Nasawi ang isang magtiyahin sa San Juan, Batangas matapos mabagsakan ng tipak ng bato ang pinagbabakasyunan nilang resort gawa ng landslide at walang tigil na pag-ulan. Sugatan din ang tatlo pa nilang kamag-anak.
Sa ulat ni Mark Zambrano sa 24 Oras ng GMA News, sinabing nabagsakan ng malaking bato ang isang kuwarto ng Kota Keluarga sa Barangay Laiya-Ibabaw pasado alas-dos madaling araw nitong Miyerkoles, kung saan natutulog sina Christopher Cruz, 17-anyos at tiyahing si Maria Luisa Santos, 48-anyos.
Sinabing gumulong ang mga bato nang gumuho ang lupa mula sa gilid ng bundok.
"Base du'n sa NDRRMC na pag-aaral, bahagi talaga siya ng hill. Hill portion talaga siya, siguro bumigay dahil sa malakas na pagbuhos ng ulan," sabi ni Police Senior Inspector Elvie Salagubang, deputy chief of police ng San Juan, Batangas.
Nahirapan ang mga awtoridad sa pagsagip sa mga biktima sa pagkakaipit, na umabot ng walong oras.
Pati ang ginamit ng backhoe, nasira rin sa gitna ng pag-alis ng malalaking tipak ng bato.
Halos hindi na makilala at madurog ang mga biktima sa tindi ng impact landslide.
"Lahat kami siyempre sobrang lungkot kasi napaka-irresponsible 'yung resort, dapat meron silang mga warning diyan na hindi ka pwedeng mag-stay sa area na 'yun kasi nga prone siya sa mga landslide. Mga safety precautions, dapat nag-a-advise sila ng mga ganu'n," sabi ni Dioda Dominguez, ina ng biktima.
Kinilala pa ang mga kamag-anak na sugatan na sina Baltazar Santos, Emy Santos at Emel Luis Santos.
Kinukuha pa ng GMA News ang panig ng resort management.
Tiniyak ng San Juan PNP na susuportahan ng resort ang mga biktima.
"Nag-exit na kami kanina, before 10, may mga naglaglagan pa ring mga bato du'n, may sumunod na medyo mas maliit na lang na bato na at least deadly pa rin, parang mesa. Hanggang ngayon tuloy-tuloy pa rin ang ulan, ina-anticipate namin baka magkaroon pa 'yun ng another landslide," sabi ni Police Superintendent Joemar Labiano ng San Juan Police.
Patuloy na binabantayan ng PNP ang lugar ng pinangyarihan ng aksidente sa posibleng kasunod na landslide, at hindi na pinayagan ng resort management na pumunta ang mga tao.
Wala pang plano ang mga kamag-anak na magsampa ng reklamo laban sa resort. — Jamil Santos/RSJ, GMA News
