Kaagad na nasawi ang isang 16-anyos na estudyante matapos siyang magulungan ng pampasaherong jeep sa Ilocos Norte. Ang biktima, napagalitan umano kaya hindi umuwi at sa ilalim ng jeep natulog.
Sa ulat ng GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Huwebes, kinilala ang biktima na si Esmoel Rasay, grade 10 student sa Sarrat, Ilocos Norte.
Base sa imbestigasyon, nakipag-inuman umano si Rasay at natulog sa ilalim ng jeep nang magpasyang hindi na umuwi matapos mapagalitan.
Kinaumagahan, pinaandar ng driver na si Bienvenido Basug ang jeep at doon niya nagulungan si Rasay.
Sinabi ni Basug na hindi niya alam na may tao sa ilalim ng sasakyan. Kaagad na nasawi ang biktima.
Iginiit ni Basug na aksidente ang nangyari at handa siyang makipag-ayos at tumulong sa pamilya ni Rasay.
Wala pang pahayag ang pamilya ng biktima.-- FRJ, GMA News
