Arestado ang isang security guard dahil sa umano'y pakikipagsabwatan sa mga magnanakaw na nanloob sa grocery store na kaniyang binabantayan sa Calamba, Laguna.

Sa ulat ni John Consulta sa Balitanghali nitong Sabado, kinilala ang security guard na si Reynaldo Valderama, na nahuli sa CCTV camera na nakikipag-usap sa ilang lalaki sa labas ng tindahan.

Kita sa kuha ng CCTV camera na ilang sandali matapos ang pakikipag-usap kay Valderama, dumiretso na sa main entrance ng grocery ang mga lalaki.

Kita rin kung paanong pumasok at nagnakaw ang mga naturang lalaki sa CCTV camera sa loob ng tindahan.

Tinangay ng mga lalaki ang cash box ng grocery store na naglalaman umano ng P8,000.

Nakita rin sa CCTV camera footage na lumabas ang guwardiyang si Valderama at dalawang look-out ng nanloob na suspek matapos ang pagnanakaw.

"Tumambay doon sa tapat, nag-timing sila na walang ibang tao, walang ibang makakakita sa kanilang pagpasok. We're even thinking na hindi ito 'yung unang pagkakataon na ginawa nila ito," sabi ni Superintendent Sonny Celedio, hepe ng Calamba City Police Station.

Nang maaresto si Valderama, mariin niyang itinanggi ang paratang.

"'Yun po ang sabi nila ma kasabwat ako pero hindi ko po alam na nandu'n 'yung tao na 'yun. Hindi po ako kasabwat nu'n," sabi ng naarestong guwardiya.

Pinapayuhan ng pulisya ang mga establisyemento na sa halip na mag-direct hiring, kumuha ang mga ito ng mga guwardiya mula sa mga lisensiyadong security agencies.

"Because security guards are armed, so they have to be trained and medyo stringent ang requirement niyan with regards to previous records," sabi ni Celedio. —Jamil Santos/ALG, GMA News