Nasawi ang isang rider ng motorsiklo matapos niyang bumangga sa isang tricycle na nag-overtake at nakikipagkarera umano sa isa pang tricycle sa Calumpit, Bulacan.
Sa ulat ni John Consulta sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabing dalawang tricycle ang nagkakarera mula sa direksyon ng Barangay Pungo pasado 3 p.m. Samantala, mabilis naman ang dating ng isang motorsiklo na may dalawang sakay sa kabilang direksyon at kabilang linya ng kalsada.
Makikita sa CCTV na mag-overtake ang nag-uunahang tricycle sa isa pang tricycle kaya kinain nila ang kabilang linya ng kalsada.
Nang nakita nila ang paparating na motor, sinubukan nilang bumalik sa kanilang linya pero huli at tinamaan ang kasalubong na motorsiklo.
Tumumba ang tricycle at nadaganan ang kaliwang hita ng driver, samantalang nawalan ng kontrol ang motorsiklo at tumama sa signage at sumemplang ang dalawang sakay nito.
Nasawi si Antonio Cascabel na rider ng motor, samantalang naitakbo sa ospital ang angkas niyang si Russel Gatdula.
"Nagkakarera po 'yung dalawang tricycle. Kinain po 'yung linya nu'ng motor, 'yung right of way po ng motor, kinuha nu'ng tricycle kasi nag-overtake siya. Head injury po talaga ang grabe. Grabe po ang tinamo nila sa ulo," sabi ni PO1 Edward Tena, investigator, Calumpit Police.
Inaresto si Alex Agravantes, ang nakaaksidenteng 18-anyos na tricycle driver at nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in homicide.
"Gusto ko po sa kanilang humingi ng patawad po. Hindi ko po gustong mangyari 'yun. Aksidente po 'yun. Sana po eh mapatawad po nila ako," sabi ni Agravantes.
Posible pa raw na mabuhay ang biktima kung meron lang siyang suot na helmet, ayon sa mga awtoridad.
"Kung magda-drive ka ng motorsiklo, sumunod tayo sa alituntunin, 'yung ating helmet, kasi 'yan ang buhay natin eh. And then mag-drive tyo ng maganda at nang maayos. Huwag tayong makipagkarerahan," paalala ni Police Superintendent Santos Mera, Chief of Police, Calumpit Police.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News
