Hustisya ang hiling ng pamilya ng isang 19-anyos na lalaki na pinatay sa saksak at bugbog matapos na makursunadahan umano ng isang grupo ng mga lalaki sa Antipolo City.
Sa ulat ni Jamie Santos sa GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Lunes, sinabing nagtungo sa isang bar sa Antipolo si Reneil o King, noong madaling araw ng Oktubre 31 kasama ang ilang kaibigan para maglibang at uminom.
Sa kuha sa CCTV sa labas ng bar, makikita na mayroon silang grupo ng mga lalaki na dinaanan nang pumasok sa establisimyento.
Sandali lang sa naturang bar ang grupo ni Reneil dahil wala nang inumin. At nang lumabas sila, nandoon pa rin ang grupo ng mga suspek at sinundan ang grupo ng biktima.
Nang mapansin ng isang kasama ni Reniel ang grupo ng mga suspek, sinita niya ang pagsunod ng mga ito. Nang mapansin nila na may dalang patalim ang mga suspek, tumakbo na ang grupo ng biktima pero si Reniel ang inabutan at siya ang binugbog at sinaksak.
Naisugod pa siya sa ospital pero kalaunay binawian din ng buhay.
Matinding galit at paghihinagpis ang nararamdaman ng ina at kapatid ng biktima na humihiling ng katarungan.
"Hindi ko matanggap, hindi ako makapaniwala na ganyan nangyari sa anak ko. Masakit talaga. 'Pag gising mo, siya maalala mo," sabi ng ina. "Mahal na mahal namin 'yan. mahal na mahal ko 'yang batang iyan. Bunso ko 'yan."
"Grabe kasi yung naging tama ng kapatid ko. Hindi lang saksak mayroon pa siya dito sa may ulo, saka mukha po," sabi ng kapatid ng biktima. "Namamaga po yung mukha niya, yung ulo niya, tapos may saksak pa sa binti at dibdib niya."
Walong salarin na umano ang nasampahan ng kaso at kasalukuyan ng nasa piskalya.
Nanawagan naman ang pamilya ng biktima sa mga magulang ng mga salarin na isuko ang kanilang mga anak na sangkot sa krimen.
Ayon kay Police Officer 2 Elmer Belaro, ng Antipolo police, lumilitaw na nakursunadahan ng mga salarin ang biktima.
Hinihintay na umano ng pulisya ang ilalabas na warrant para mahuli ang mga suspek. -- FRJ, GMA News
