Apat na miyembro ng isang pamilya— kabilang ang isang bata— ang nasawi matapos madaganan ng tumagilid na trak na may kargang mga tubo ang kanilang kotse sa Bago City, Negros Occidental.
Sa ulat ng GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Biyernes, kinilala ang mga biktima na mag-asawang Romulo at Josephine Espinosa, anak nilang si Christine Garcia, at apo nilang si Vincent, na apat na taong gulang.
Batay sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, pauwi na ang mga biktima sakay ng kotse nang makasalubong nila 10-wheeler na minamaneho ni Herman Mahometano at puno ng mga tubo.
Biglang tumagilid ang trak at nadaganan ang kotse ng mga biktima. Sa tindi ng pagkakadagan ng nagkawasak-wasak ang kotse at kinailangan pang gumamit ng crane para maiangat ang natumbang trak para maialis ang mga biktima.
Kaagad na isinugod sa ospital ang apat na magkakaanak pero idineklara silang dead on arrival.
Kaagad na sumuko si Mahometano na posibleng maharap sa reklamong reckless imprudence resulting in multiple homicide.
Samantala, nasawi naman sina Edmar Cereno at Enrico Oning nang magsalpukan ang dalawang motorsiklo sa Labo, Camarines Norte.
Ayon sa pulisya, pawang nakainom ng alak ang mga sangkot sa aksidente. -- FRJ, GMA News
