Patay ang isang negosyanteng babae sa Cabanatuan City, Nueva Ecija, matapos siyang pagbabarilin sa loob ng kaniyang kotse.
Matapos ang pamamaril, tinangay pa ng mga salarin ang kaniyang bag. Hindi pa pinangalanan ang biktima na sinabi lamang na babae.
Sa GMA News "Unang Balita" nitong Miyerkoles, ipinakita ang CCTV footage ng insidente, kung saan dumating ang dalawang salarin na sakay ng motorsiklo.
Pinuntahan ng isang salarin ang passenger side sa bandang harapan ng sasakyan habang pinaputukan ng isa pang salarin ang driver.
Matapos nito, dahan-dahang umatras ang SUV habang tumakas naman ang mga suspek na dala ang bag ng biktima.
Iniimbestigahan na ng mga awtoridad insidente at ang eksaktong halaga ng pera na tinaggay ng mga salarin.
Samantala sa Malvar, Batangas, patay ang isang negosyante na pinagbabaril din ng mga hindi pa matukoy na salarin.
Kinilala ang biktima na si Guillerdo Organo, na ayon sa pulisya ay igagarahe na sana ang kaniyang sasakyan nang may tatlong lalaki ang biglang lumitaw saka siya pinagbababaril.
Tumakas ang mga salarin gamit ang sasakyang may plakang XLX 357.
Maaaring paghihiganti ang motibo sa pagpatay kay Organo, ayon sa pulisya, dahil inireklamo ng murder ang biktima noong Disyembre 4.
Patuloy ang imbestigasyon sa insidente.
—Jamil Joseph Santos/LBG, GMA News
