Humarap na sa mga awtoridad ang may-ari ng jeepney na nasangkot sa aksidente sa Agoo, La Union noong araw ng Pasko, na ikinasawi ng 20 na tao.

Pahayag ni Ronald Ducusin sa pagharap niya sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Region 1, "Hiniram lang at hindi arkilado ang jeep ... papunta sila sa Manaoag. 'Yung mga karga niya yung mga kamag-anak niya... yan ang paalam niya (drayber) sa akin. Wala akong tinatanggap na bayad."

Pinabulaanan naman ito ni Zoraida Perez, ina ng driver na si Ronaldo Perez Jr at sinabing, "Ang alam ko kapag hihiram ng mga jeep diyan, may bayad, magbayad ng arkila. Kaya hindi ako naniniwala na hindi alam ng may-ari."

Samantala, ayon sa LTFRB patuloy pa rin ang imbestigasyon sa insidente at nakasuspinde pa rin ng 30 araw ang ilang units ng Partas, ang may-ari ng bus na nakabanggaan ng jeep. 

"Iko-continue pa rin namin ang preventive suspension with show-cause order. Nagmamakaawa sila pero wala kaming magagawa," pahayag ni Attorney Anabel Marzan,  OIC, LTFRB Region 1.

Dagdag niya, naisumite na ng Partas ang CCTV, dash-cam, GPS device, at memory cards sa LTFRB para makatulong sa imbestigasyon.

Nakaburol naman sa ngayon ang aabot sa 20 na nasawi —kasama ang mga bata at paslit —sa aksidente sa daan noong araw ng Pasko, sa bayan ng Agoo.

Ang mga biktima ay pupunta sana sa Manaoag Church upang magsimba sa araw na iyon. —LBG, GMA News