Huli sa CCTV ang paninikwat ng bag ng isang lalaki na mala-tanod ang itsura sa isang kasalan sa simbahan sa Santa Maria, Bulacan.
Sa ulat sa Unang Balita ng GMA News nitong Biyernes, makikita sa video na tila nagmamanman ang lalaki sa gilid ng simbahan habang isinasagawa ang seremonya.
Nang matapos ang kasal, ibinaba ng babaeng abay ang kaniyang bag sa upuan bago siya pumunta sa altar.
Nang makahanap ng tiyempo, agad na nilapitan ng lalaki ang bag saka niya sinikwat palabas ng simbahan.
Mamahaling gadget, susi ng sasakyan at mamahaling relo ang sinasabing laman ng bag.
Sa iba pang kuha ng CCTV, makikitang may dala pang rosas at radyo ang suspek.
Nakitang muli ang bag sa loob ng simbahan ilang araw matapos ang pagnanakaw, pero mga I.D. na lang ang laman nito.
Patuloy ang imbestigasyon sa insidente. — Jamil Santos/RSJ, GMA News
