Patay ang isang mangingisda, habang nawawala naman ang dalawa pa niyang kasamahan, at isa ang nakaligtas matapos silang pagbabarilin sa laot ng dalawang salarin na sakay din ng bangka sa Negros Oriental.
Sa ulat ng GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Lunes, sinabing nangyari ang insidente sa karagtang sakop ng Siaton, Negros Oriental kung saan nasawi si Fortunato Palopalo.
Nawawala naman ang dalawa niyang kasama na magkapatid na sina Kiven at Josua Sol na nahulog umano sa dagat.
Nakaligtas naman ang isa pa na nadaplisan lang ng bala matapos na makatalon kaagad sa dagat.
Kuwento niya, bigla silang nilapitan at basta na lang pinagbabaril ng mga salaring lulan ng bangka.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad at paghahanap sa magkapatid.-- FRJ, GMA News
