Patay ang isang lalaki na sinasabing lango sa droga matapos na hindi na malabas sa bahay na kaniyang sinilaban sa Zamboanga City. Ang lalaki, nakunan pa ng video na armado ng itak at pinagbabantaan umano ang mga magtatangkang apulahin ang sunog.
Sa ulat ni Cesar Apolinario sa GMA News "Balita Pilipinas" nitong Miyerkoles, kinilala ang lalaki na si Henry Abella, na nakunan sa video na may hawak na itak kaya kaagad naapula ang apoy.
Sa video, makikita rin na bumalik si Abella sa nasusunog na bahay sa halip na lumayo.
Pagkaraan ng mahigit dalawang oras, naapula na ang sunog at nakita ang bangkay ng lalaki.
"Yung casualty doon, 'yon yung alleged na nanunog din, suspek nu'ng pagsunog nung bahay. Kasi intentional 'yon eh," sabi ni Fire Superintendent Jhufel Brañanola, District Fire Marshal.
Isang matandang lalaki rin umano ang nagtamo ng sugat sa katawan ngunit agad namang nasagip at dinala sa Zamboanag City Doctors Hospital.
Lumalabas sa imbestigasyon na lulong umano sa droga ang suspek, na tagapagbantay sa nasunog na bahay.
"According to the accounts ng mga kasama niya sa bahay, 'yung mga nakasalamuha niya, he's into drugs daw so medyo lango sa droga nu'ng time na ginawa niya 'yon," sabi pa ni Brañanola.
Base sa pagtatala ng mga awtoridad, aabot sa mahigit P5 milyon ang halaga ng natupok na ari-arian.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News
