Napalitan ng lungkot ang masayang hapunan ng hepe ng pulisya ng Sasmuan, Pampanga nang maaresto siya sa isinagawang entrapment operation ng mga kapwa niya pulis. Naaktuhan ang hepe na binibiling ang pera na tinanggap mula raw sa kinikilan niyang may-ari ng peryahan, pero itinanggi naman ito ng opisyal.

Sa ulat ni Susan Enriquez sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkoles," kinilala ang naarestong opisyal na si Police Chief Inspector Romeo Bulanadi, na kaka-promote lang umano noong nakaraang taon.

Sa cellphone video na mula sa Counter Intelligence Task Force ng Philippine National Police, na nagsagawa ng entrapment operation, makikita ang isang babae na pumasok sa tanggapan ni Bulanadi na naghahapunan nang sandaling iyon.

Ilang sandali lang, may iniabot na pera na nagkakahalaga umano ng P30,000 ang babae na tinanggap naman ni Bulanadi at binilang pa.

Makikitang patawa-tawa pa si Bulanadi habang hawak ang perang "marked money" nang pumasok na ang mga operatiba para arestuhin siya.

Ayon kay P/CInsp. Jewel Nicanor, spokesman ng CITF-PNP, lumapit sa kanila ang may-ari ng peryahan matapos umanong manghingi ng P30,000 si Bulandi kapalit ng pagpapahintulot na alisin ang mga gamit nila sa peryahan.

Ililipat na umano dapat ng lugar ang peryahan pero hindi raw pumapayag si Bulanadi na ipahakot ang mga gamit kung hindi ibibigay ang hinihinging pera.

Gayunman, mariing itinanggi ni Bulanadi ang paratang laban sa kaniya.

Sinabi ni Nicanor,  na tatlong kaso ang isasampa nila laban sa opisyal.-- FRJ, GMA News