Isang 19-anyos na lalaki na aawat lang sana sa away pamilya ang patay nang masaksak ng sarili nitong ama na lasing umano sa Tinambac, Camarines Sur.
Sa ulat ni Vonne Aquino sa GMA News "Unang Balita" nitong Huwebes, kinilala ang biktima na si Arnel Medina, na idineklarang dead on arrival sa ospital.
Base sa ulat, lasing daw ang ama ni Medina at bigla na lang nitong pinag-initan ang misis. Nakaalitan din ng suspek ang nakatatandang anak nito.
Aawatin sana ni Medina ang alitan ng ama at ng kaniyang kuya ngunit nasaksak siya ng balisong ng ama.
Pinaghahanap na ngayon ng pulisya ang nakatakas na suspek.
Ama tinaga ng anak
Sa Echague, Isabela naman, kulong ang isang 19-anyos na lalaking may problema umano sa pag-iisip nang mapatay niya sa pananaga ang sarili niyang ama.
Kinilala ang nasawing ama na si Roberto Calungay.
Base sa pulisya, nanghuhuli raw ng mga ibon ang mag-ama nang magtalo sila dahil pinakawalan ng lalaki ang isa sa kanilang huli.
Humantong sa suntukan ang kanilang pagtatalo na nauwi sa pananaga ng suspek.
May problema raw sa pag-iisip ang suspek, ayon sa ina nito.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya.
Calamba, Laguna
Samantala sa Calamba, Laguna, bangkay na nang matagpuan at may sugat sa ulo na nanggaling umano sa pananaga ang isang 17-anyos na lalaking kinilalang si Reniel Fernandez Magabo.
Base sa ulat, kinilala ang suspek sa alyas na "Tiyo Pio."
Posible raw na motibo sa pagpaslang ang pagkuha ng biktima sa mga pananim ng suspek.
Pinaghahanap na ngayon ng pulisya ang suspek. — Jamil Santos/MDM, GMA News
