Matinding selos ang pinaniniwalaang dahilan kaya pinatay sa saksak ang isang lalaki at itinapon sa balon matapos na makitang nagtatago raw sa ilalim ng kama sa isang bahay sa Lipa, Batangas.

Sa ulat ng GMA News "Saksi" nitong Martes, kinilala ang biktima na si Danilo Arellano, habang pinaghahanap naman ang suspek na si Julie Sibonga.

Base umano sa imbestigasyon ng mga awtoridad, umuwi ng bahay si Sibonga at nakita nito si Arellano na nagtatago umano sa ilalim ng kanilang kama.

Sa hinalang may relasyon ang biktima at ang kaniyang misis, nagdilim ang paningin ng suspek na kumuha ng patalim at pinagsasaksak ang biktima hanggang sa mapatay.

Makaraan nito, tinapon pa niya ang bangkay sa isang balon.

Patuloy na hinahanap ng pulisya ang tumakas na suspek.-- FRJ, GMA News