Isang konsehal at isang pulis na inaresto matapos na maaktuhang naglalaro sa loob ng casino sa Cebu. Gayunman, nakalaya ang konsehal kinalaunan base sa utos ng piskalya.
Sa ulat ni Nikko Sereno sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, kinilala ang inarestong konsehal na si Cordova councilor Lemuel Pogoy, na maaktuhang naglalaro sa slot machine isang casino sa Mactan, Cebu noong Huwebes.
Sa isang casino naman sa Cebu City nahuling naglalaro si Police Officer 2 Cyrelle Marie Bayate, ng Parian Police Station.
Ayon kay P/Chief Insp. Mark Gifter Sucalit, CIB chief, LLCPO, gumamit sila ng impormante at nagmatyag matapos makatanggap ng impormasyon na may mga tauhan ng gobyerno na naglalaro sa mga casino.
Ang operasyon ay pagtugon umano sa direktiba mula sa Malacañang at sa Presidential Decree 1869, na paigtingin ang kampanya laban sa mga tauhan at opisyal ng gobyerno na nagka-casino.
Dapat daw magsilbing leksyon sa iba pang taga-gobyerno na nagka-casino ang pagkakaaresto sa dalawa na tambay ng casino.
Naalis na umano sa puwesto si Bayate na tumangging magbigay ng pahayag.
Samantala, una nang sinabi ni Councilor Pogoy na handa niyang harapin ang kinahinatnan ng kaniyang ginawa.
Pero noong Biyernes, ibinasura ni Lapu-lapu City Assistant State Prosecutor Shiela Mar Abadia ang reklamo laban sa konsehal dahil hindi umano sakop ng presidential decree ang konsehal. -- FRJ, GMA News
