Tatlo ang patay at apat ang sugatan nang magkarambola ang isang tricycle, truck at motorsiklo sa Cadiz City, Negros Occidental. Ang mga nasawi, pauwi na umano mula sa dinaluhang kapistahan nang maganap ang sakuna.

Sa ulat ng GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Martes, kinilala ang mga nasawing biktima na sina Angelica Laguna, anak nitong lalaki, at isa pang pasahero ng sinasakyan nilang tricycle, na idineklarang dead on arrival sa ospital.

Sugatan naman ang mister ni Laguna na driver ng tricycle, isa pang sakay nito, at ang dalawang sakay sa motorsiklo. Nagpapagaling na sila ngayon sa ospital.

Sa imbestigasyon, lumitaw na pauwi na mula sa Dinagsa festival ang mga sakay ng tricycle nang bigla silang banggain ng kasunod na truck.

Humiwalay ang sidecar ng tricycle sa lakas ng pagkakabangga at tumama sa isang motorsiklo.

Tumakas ang driver ng truck na tinutugis na ngayon ng pulisya.

Samantala sa Diplahan, Zamboanga Sibugay, patay naman ang isang 14-anyos sa banggaan ng motorsiklo at truck.

Kinilala ang biktima na si Chriza Jane Polpol, na nakaangkas noon sa motorsiklong minamaneho ni Elaine Azusano.

Binabaybay ng dalawa ang National Highway nang aksidente umano silang nasagi ng truck na pinapatakbo ni Marcelino Auditor.

Kasalukuyang nagpapagaling sa ospital si Azusano, samantalang nakakulong naman si Auditor.

Sa Tumauini, Isabela naman, patay ang 18-anyos na motorcycle rider na si Rodolfo Lacar Junior nang salpukin ng isang pampasaherong bus sa National Highway.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News