Patay ang isang magpinsan na sakay ng isang motorsiklo nang banggain sila ng pampasaherong bus sa Pozorrubio, Pangasinan. Sa bayan naman ng Bugallon, patay din ang dalawang kabataang nakamotor nang salpukin ng isang van.

Sa ulat ni Alfie Tulagan sa GMA News "Balita Pilipinas" nitong Martes, kinilala ang mga biktima na sina Nestor Vallejo Junior, 23-anyos, at angkas nitong si Tristan Lantano, 13-anyos, na tinatahak ang Barangay Alipangpang, Pozorrubio mula sa bayan ng Santo Tomas.

Nang makabangaan nila ang pampasaherong bus, tumilapon ang mga biktima na walang suot na helmet at napuruhan sa ulo.

"'Yung bus is traversing along the National Highway heading towards north, biglang tumawid 'yung motorcycle kaya hindi niya kinaya ng preno. Kaya inabutan na. Nagkaresulta sa pagkamatay ng dalawang katao," sabi ni Police Chief Inspector Melecio Mina, Chief of Police, Asingan Police.

Hindi nagbigay ng pahayag ang bus driver na si Giffer Mucha.

Hustisya ang sigaw ng kaanak ng mga nasawi na nais ituloy ang pagsasampa ng kaso.

"According naman doon sa Victory Liner, they are willing to help naman 'yung family nu'ng mga biktima pero for the meantime, inquest muna natin," sabi ni Mina.

Sa Bugallon naman, nasawi ang mga biktimang sina Limuel Sapigao, 20-anyos, rider ng motorsiklo at angkas niyang si Darwin Baquing, 18-anyos, nang mabangga ng van ang kanilang sinasakyang  motorsiklo.

Nangyari ang insidente malapit sa Umanday Bridge.

Napag-alaman ng mga awtoridad na walang lisensya at helmet ang rider ng motorsiklo.

Wala namang nangyari sa van driver.

Patuloy na iniimbestigahan ng pulisya ang  insidente.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News