Patuloy umanong dumadami ang insidente ng panghahalay sa Talisay City sa Cebu, ayon sa pulisya ng lungsod. Kalimitan umano sa mga suspek, kamag-anak mismo ng biktima.

Sa ulat ni Nikko Sereno sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Martes, sinabing batay sa impormasyon mula sa Talisay City Police, umabot sa 18 reklamo ng panghahalay ang kanilang natanggap sa loob ng nakaraang dalawang buwan.

Sa naturang bilang, 13 sa mga suspek ang malaya pa rin pero nasampahan na ng kaso.

Kalimitan umano sa mga suspek ay mga kamag-anak mismo ng mga biktima.

Tulad ng isang 25-anyos na lalaki na dinakip sa bisa ng arrest warrant dahil sa panghahalay umano sa 12-anyos niyang pamangkin.

Gayunman, nakalaya rin ang suspek matapos na maglagak ng P200,000 piyansa.

Hinikayat naman ni SPO1 Shindey Taboco, Women's Desk ng Talisay City Police, ang mga biktima lalo na sa mga bata, na huwag matakot na magsumbong sa kanila o sa mga kamag-anak kung may lalapastangan sa kanila. -- FRJ, GMA News