Sugatan ang dalawang babae matapos silang mabagsakan ng bulok at marupok nang puno ng niyog na nabangga ng isang truck sa Meycauayan, Bulacan.

Sa ulat ni Susan Enriquez sa "24 Oras" nitong Biyernes, kinilala ang mga biktimang sina Joanna Marie Caramacion at Pamela Paguio, na mga naaksidente sa Barangay Malhacan ng nasabing lungsod.

Makikita sa CCTV na bumaba ang dalawang babae sa sasakyan at naglakad pagkatapos.

Tiyempo namang may dumaang truck sa kabilang lane, kung nasaan naroon din ang nakatagilid na puno ng niyog. Sinubukang magmenor ng truck, ngunit nabangga ito sa puno.

Dito na nabuwal ang puno at nabagsakan ang dalawang babae.

Pagdating ng GMA News sa pinangyarihan ng insidente, dinatnan pa nito ang naputol na puno na tinangkang buhatin ng anim na lalaki.

Ayon sa mga residente sa lugar, matagal na nilang planong putulin ang puno ng niyog dahil bulok at marupok na, at baka makadisgrasya pa.

"Matagal na po namin gustong ipaputol 'yan. Kaya lang, kailangan po talagang kumuha ng permit sa DENR kasi kalikasan daw po 'yan. Nag-try po kami kumuha ng [permit]. Maraming proseso daw sa mga ganiyang pagpuputol," sabi ng residenteng si Bombie Ngo.

Nagpapagaling ngayon sa Grace General Hospital sa San Jose del Monte, Bulacan ang mga biktima.

Sinabi ng hepe ng pulisya ng Meycauayan, Bulacan na hindi na magrereklamo ang biktima dahil nangako ang may-ari ng truck na sasagutin nito ang lahat ng gastusin sa pagpapagamot.

Tumangging magpaunlak sa panayam ang mga biktima. —Jamil Santos/JST, GMA News