Patay ang isang binata sa Cotabato tanghali noong Sabado nang makuryente ito habang kumukuha ng dahon ng niyog para sana sa Linggo ng Palaspas.
Sa ulat ni GMA News Cotabato stringer Garry Fuerzas, dead on arrival sa ospital ang binata na kinilalang si Jonald Carcueva Silvano, 27, na taga-Barangay Poblacion 8 sa bayan ng Midsayap.
Pahayag ni Midsayap Chief of Police Superintendent Gilbert Tuzon, umakyat sa puno ng niyog ang biktima sa gilid ng kalsada para manguha ng dahon ng niyog.
Ngunit nang putulin na ni Silvano ang dahon, sumagi sa live wire ng Cotabato Electric Cooperative (Cotelco-PPALMA) ang dahon at nakuryente ang biktima.
Ayon sa mga nakasaksi, nangisay ang biktima sa tuktok ng niyog.
Agad namang dumating ang rescue team ng LGU-Midsayap at Cotelco at kinuha ang katawan ng biktima mula sa itaas ng puno ng niyog.
Dinala ang biktima sa Midsayap Community Hospital ngunit hindi na ito umabot ng buhay.
Inaalam ngayon ng pamilya ng binata kung sino ang nag-utos para umakyat sa puno ng niyog.
Pinakyaw umano ng P400 ang serbisyo ng binata upang manguha ng dahon para sa Linggo ng Palaspas.
Nagpapatuloy ang imbestigasyon ng Midsayap PNP sa insidente. —LBG, GMA News
