Anim ang kumpirmadong patay, habang apat ang nasugatan nang salpukin ng isang 10-wheeler truck ang isang karinderya sa gilid ng kalsada sa Taal, Batangas nitong Miyerkoles ng umaga. Ang sumalpok na trak, natigil pero umarangkada nang mabangga ng isa pang 10-wheeler.

Sa panayam ng GMA News TV "Balitanghali" nitong Miyerkoles, nilinaw ni Joselito Castro, hepe ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Office ng Batangas, na anim ang kumpirmadong nasawi sa naturang sakuna.

Kinilala ni Castro ang mga nasawi na pawang nasa karinderya na sina Melencio Atienza, Jennifer Atienza, Cheche Aniño, Susan Ombre, Babylyn Atienza, at isang lalaki na hindi pa batid ang pangalan.

Nasugatan naman sina Orly Kapuso, Diana Uy, Danilo Madiclum, at si Babylyn Torres.

Dahil sa pag-araro ng trak, halos nawala na ang karinderya na nakatayo sa gilid ng Diversion road sa Barangay Carsuche sa Taal, Batangas.

Ayon kay Castro, nakatigil malapit sa karinderya ang isang 10-wheeler na may kargang mga tinabas na tubo nang banggain mula sa likuran ng isang 10-wheeler na may karga ring mga tubo.

Sa lakas ng pagkakabangga, umusad ang nakaparadang trak at tumama sa karinderya na ikinasawi ng mga biktima.

Nadamay din ang ilan pang sasakyan sa naturang insidente.

Kapwa naman tumakas ang mga driver ng dalawang trak.

Sa hiwalay na ulat ni Raffy Tima, sinabing inaalam pa ang impormasyon kung kasama sa mga nasawi ang driver ng trak na sumalpok sa karinderya.

Inaalam pa kung nawalan ng preno ang isang trak kaya ito sumalpok sa nakaparadang trak. -- FRJ, GMA News