Nagkabali-bali ang mga buto at napugutan ang isang matandang lalaki matapos siyang masagasaan ng tren sa bayan ng Baao sa Camarines Sur. Ayon sa mga nakasaksi, nangunguha ng panggatong ang biktima nang mangyari ang aksidente.

Sa ulat ng GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Miyerkoles, kinilala ang biktima na si Salvador Pesimo, 87-anyos.

Ayon sa mga nakasaksi, nakita nilang naglalakad sa riles si Pesimo at nangunguha ng panggatong nang may dumating na tren ng Philippine National Railways.

Sinigawan at sinenyasan daw nila ang matanda na gumilid pero hindi raw ito ginawa ng biktima hanggang sa masagasaan.

Ayon sa apo ng biktima, mahina na ang pandinig ng kaniyang lolo at malabo na rin ang paningin.

Mayroon din umanong malakas na tugtugan sa lugar kaya maaaring hindi rin kaagad nadinig ng biktima ang busina ng tren.

Sinabi naman ng pulisya na maaaring hindi nila idetine ang makenista na nagpatakbo ng tren dahil hindi dapat nasa riles ang biktima.

Nakipag-ugnayan na umano ang pamunuan ng PNR sa pamilya ni Pesimo sa magkaloob ng tulong. -- FRJ, GMA News