Dahil sa mga white sand beaches at mayroon pang sandbar gaya sa Bon Bon Beach, kabilang ang Romblon sa mga ginawang alternatibong destinasyon ng mga turista habang sarado ang isla ng Boracay.
Sa ulat ni Sandra Aguinaldo sa GMA News "Balita Pilipinas" nitong Biyernes, sinabing halos katabi lang ng Boracay ang Romblon, na puwedeng sumalo sa mga turista.
Dahil sa pagsasara ng Boracay, sinabi ng lokal na pamahalaan ng Romblon na tumaas ang bilang ng mga turista na nagtutungo sa kanilang lalawigan ngayong taon.
At para hindi magaya sa Boracay ang Bon Bon Beach na kabilang sa mga pangunahing pang-akit ng Romblon sa mga turista, mayroon na silang mga tagakolekta ng basura.
Natuto raw sila sa naging kinalabasan ng Boracay na kailangan isara ng anim na buwan para isailalim sa rehabilitasyon.
Kadalasang nakukuha ng mga tagapulot ng basura ang mga pinagkainan ng mga tao.
Babantayan na din ng lokal na pamahalaan ang mga estrukturang maaaring itayo malapit sa mga beach para matiyak na tama ang distansiya nito.
Sa sandbar ng Bon Bon beach, maaaring makatawid sa kabilang isla ang mga tao kapag low tide, kaya mahalagang malaman kung kailan ang high tide at low tide.
Puwede ring mag-island hopping sa Romblon at mag-cliff diving. Mayroon ding mga beach na puwedeng mapag-isa ang isang bakasyonista.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News
