Nauwi sa malagim na krimen ang away ng magkapatid sa Aguilar, Pangasinan. Ang biktima at kaniyang mga anak, pumunta sa bahay ng suspek para makipagkasundo umano pero sinalubong sila ng mga putok ng baril.

Sa ulat ni Alfie Tulagan sa GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Martes, kinilala ang mga nasawi na nagtamo ng mga tama ng bala na sina Wilfredo de Vera Sr, 56-anyos; at anak niyang si Kid Willy, 30-anyos, ng barangay Panacol sa Aguilar, Pangasinan.

Sugatan din ang mga anak ni Wilfredo na sina Kathely, Wilfredo Jr. at Debbie, na binaril at sinaksak pa.

Kasama rin ni Wildredo ang kaniyang asawa na si Solly nang magpunta sila sa bahay ng suspek na si Julian pero masuwerte na hindi ito nasaktan.

Ayon sa pulisya, dati nang may alitan si Wilfredo Sr. at kapatid niyang suspek na si Julian.

Upang maayos ang hidwaan at humingi ng paumanhin, nagtungo sa bahay ni Julian ang mga biktima pero bigla umano silang pinagbabaril ng suspek.

Naaresto ng pulisya si Julian na nagtamo ng saksak sa katawan at nagpapagaling sa ospital. Nadakip din ang apat niyang kaanak, kabilang ang anak na si Jefferson.

Hindi pa malaman kung sino ang sumaksak kay Julian.

Si Jefferson, itinanggi na may kinalaman siya sa krimen.

Narekober ng awtoridad sa bahay ng suspek ang isang shotgun, kalibre 45 na baril at isang patalim.

Isasailalim sa ballistic examination ng mga nakumpiskang baril para malaman kung nasangkot ang suspek sa iba pang krimen.

Umaasa naman si Solly na mabibigyan ng katarungan ang nangyari sa kaniyang pamilya.-- FRJ, GMA News