Patay ang dalawang lalaking nangholdap umano sa isang gasolinahan sa Calamba, Laguna matapos na manlaban umano sa mga rumespondeng SWAT police.
Sa ulat ni John Consulta sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Miyerkoles, patay kaagad ang dalawang suspek nang mangyari ang engkwentro sa bahagi ng bypass road sa Barangay Lamesa sa Calamba.
Ayon sa pulisya, dakong 2:00 am nang holdapin ng mga suspek ang isang gasolinahan sa barangay Bucal. Kaagad humingi ng tulong ang mga tauhan ng gas station sa pulisya na mabilis na rumesponde kaya naabutan ang mga suspek.
"Nagkaroon ng habulan at tumakas po. Pinutukan po nila 'yung ating SWAT, dito na sila inabot sa lugar na ito," ayon kay Police Senior Superintendent John Kirby Kraft, Provincial Director, Laguna-PPO.
Nakuha umano sa mga suspek ang isang kalibre 45 baril, isang shotgun, at motorsiklong ginamit nila.
Sinabi rin ng pulisya na maglalagay pa sila ng dagdag na tauhan sa kalsada para mas mabilis na makaresponde sa mga krimen. --FRJ, GMA News
