Nakunan ng CCTV ang pamamaril ng riding-in-tandem sa isang barangay chairman na bumibili ng bigas sa tindahan sa San Rafael, Bulacan.

Sa GMA News "Unang Balita" nitong Huwebes, makikita sa video na dumaan ang mga suspek sakay ang motorsiklo at binaril nila ang kapitan.

Matapos nito, dumating ang isang itim na SUV.

Ayon sa isang saksi, inabandona ng mga suspek ang kanilang motorsiklo bago sumakay sa dumaang SUV.

Sa isinagawang follow-up operation ng mga awtoridad, nadakip ang suspek na si Richard Faina.

Ngunit depensa ni Faina, driver lamang siya ng umano'y get-away vehicle.

Kasalukuyang nagsasagawa ng imbestigasyon at paghahanap sa gunmen. —Jamil Santos/NB, GMA News