Dahil kapwa namatay sa pamamaril ang dalawang lalaki na kakandidato sana sa pagka-punong barangay sa isang barangay sa San Rafael, Bulacan, ang kani-kanilang mga asawa na nagpatuloy ng kanilang laban.
Sa ulat ni John Consulta sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, sinabing naging mahigpit ang pagbabantay sa naging botohan sa Barangay Mabalas-Balas sa San Rafael, Bulacan dahil kasama ang lugar sa mga itinuturing election hot spot.
Dalawang biyuda ang naglalaban sa posisyon bilang punong barangay matapos mapatay sa pamamaril ang kani-kanilang mister na silang dapat maglalaban sa eleksyon.
Kinilala ang mga tumakbong biyuda na sina Monalisa Rodriguez, asawa ng pinaslang na kapitan, at si Jennifer Vasallo, may-bahay ng pinatay na konsehal na tumatakbo rin sa pagka-kapitan.
Upang maiwasan ang kaguluhan sa lugar, nagkalat ang mga pulis sa mga presinto at naglagay ng 18 checkpoints sa labas ng Maguinao Elementary School.
Eksaktong alas-tres ng hapon, isinara na sa mga botante ang pintuan ng paaralan. May mga nais sanang humabol pa para makaboto subalit hindi na sila pinayagan.
Nagsimula na rin ang bilangan sa mga presinto kung saan nakatutok ang mga sumusuporta sa bawat panig. -- Anna Felicia Bajo/FRJ, GMA News
