Isang buntis sa Romblon ang inabutan ng panganganak sa pantalan, habang sa kalsada naman pumutok ang panubigan ng isa pang buntis sa Zamboanga del Norte. Ligtas naman nilang naisilang ang kani-kanilang supling sa tulong mga pulis.

Sa ulat ng GMA News TV "QRT" nitong Lunes, sinabing kaagad na nagtungo sa Looc Feeder Port sa Romblon ang mga pulis nang makatanggap sila ng tawag tungkol sa sitwasyon ng buntis nitong Linggo ng gabi.

Ligtas na nakapagsilang ang ginang at saka nila dinala ang mag-ina sa ospital.

Sa Guipos, Zamboanga del Sur, isang buntis naman ang patungo na sana sa health center sakay ng tricyle nang biglang pumutok ang kaniyang panubigan  habang nasa daan.

Sa halip na magtungo pa sa health center, tumigil ang buntis sa gilid ng daan at nagkataon naman na may dumating na apat na pulis na galing sa pagpapatrolya.

Inalalayan din nila ang ginang na ligtas na mailuwal ang kaniyang sanggol. -- FRJ, GMA News