Kalaboso ang isang 53-anyos na lalaki sa Talisay City, Cebu matapos siyang dakpin ng mga awtoridad dahil sa reklamong pang-aabuso sa apat na magkakapatid na menor de edad. Ang mga biktima, apo ng kinakasama ng suspek.

Sa ulat ni Nikko Sereno sa GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Miyerkoles, sinabing nadakip ang 51-anyos na suspek matapos itong magbalik sa bahay ng mga biktima at kaniyang kinakasama.

"Nabantayan niyang nagsumbong na ang mga bata kaya lumayas siya. [Nang] may nagsabi sa amin na bumalik na ang suspek, nahuli siya," ayon kay Police Officer 1 Janeth Marquez ng Women's Desk ng Talisay City police.

Una rito, sinabi ni Marquez, na dumulog sa kanilang tanggapan ang isang miyembro ng Mercy in Action, kasama ang isa sa mga biktima ng mga suspek para isumbong ang ginagawa sa kanila ng suspek na isang tindero.

Ang mga biktima na apo ng kinakasama ng suspek, may edad lang na 12, 10, pito at anim.

Sa kabila nito, mariing itinanggi ng suspek ang paratang laban sa kaniya.

Nahaharap ang suspek sa mga reklamong statutory rape at acts of lasciviousness. -- FRJ, GMA News