Kung nangangamba noon ang mga mag-aaral na baka mahulog sila sa ilog sa tuwing tumatawid sa tulay sa Barangay San Ramon sa Buhi, Camarines Sur na gawa sa pinagtagpi-tagping kahoy, kawayan at alambre, ngayon, mas magiging kampante at ligtas na sila sa kanilang bagong tulay.
Ang naturang bagong tulay na bahagi ng "Tulay Para sa Kaunlaran Project" ng Kapuso Foundation, ay ang ikalawang tulay na nagawa para sa Buhi. Ang una rito ay ang tulay sa Barangay Iraya.
Peligroso noon ang paggamit ng mga bata at mga residente sa lumang tulay na maaaring bumagsak at mahulog sila sa ilog na halos kasing taas ng puno ng niyog na lalim.
Kaya naman ipinatayo ang bagong tulay para sa batang magsusumikap sa pag-aaral na tulungang maitawid ang kanilang komunidad patungo sa pag-unlad.
At sa pagbubukas ng klase ngayong taon, bagong pag-asa rin ang handog sa mga estudyante ng San Ramon Elementary School sa Buhi.
Maliban sa mga mag-aaral, malaking tulong din ang tulay sa kabuhayan ng mga residente para maitawid ang kanilang produkto.
Bukod dito, namahagi rin ang Kapuso Foundation ng kompletong gamit pang-eskwela para sa mga mag-aaral kaugnay sa "Sa Unang Hakbang sa Kinabukasan Project."
Nagsagawa din ng tree planting, medical mission at libreng tuli at at tinuruan ang mga bata ng wastong pangangalaga at paglilinis ng katawan para sa "Linis Lusog Project."
Lubos ang pasasalamat ng Kapuso Foundation at mga kabahagi nito sa lahat ng mga tumutulong para maipatupad ang mga proyektong kailangan ng mga mamamayan.-- FRJ, GMA News
