Arestado ang lima umanong sangkot sa iligal na droga sa magkahiwalay na operasyon sa Camarines Sur.

Ayon sa ulat ni Bam Alegre sa "Unang Balita" nitong Miyerkoles, nakuhaan ng dalawang sachet ng hinihinalang shabu si Willy Elgar, 33, sa isang bahay sa Bato, Camarines Sur.

Nakita ang mga sachet na nakatago sa likod ng imahen ng Panginoong Hesukristo at Birheng Maria.

Depensa ni Elgar, matagal na siyang tumigil sa paggamit at pagtulak ng iligal na droga.

Ang mga nakumpiska ay imano'y mga tawas na gamot sa singaw ng kaniyang anak.

"Hindi po 'yan shabu, sir. Tawas po 'yan," aniya.

Nasabat naman ng Bato police sa bahay ni Gregorio "Gorio" Tuyay ang ilang sachet ng hinihinalang shabu.

Ayon kay Tuyay, itinanim daw ito ng mga pulis na nakita mismo ng kaniyang anak.

Giit ng suspek, "Wala akong kasalanan. Naghihirap na nga ang tao, nangungutang na para may maipakain sa pamilya tapos ginaganyan pa nila."

Wala pang pahayag ang Bato police sa mga katuwiran ng mga inarestong suspek.

Samantala, timbog naman ang tatlong sangkot umano sa iligal na droga sa bayan ng Baao, Camarines Sur.

Naaresto sina Jason Pontillas, John Hienrich Biag, at William Abasola.

Tumambad sa mga pulis ang mga drug paraphernalia na nagkalat sa loob ng bahay, kabilang na rito anng walong sachet ng umano'y shabu.

Pasimpleng nakadikit sa bombilya ang isa sa mga sachet para hindi makita.

Nakuha rin sa kisame ang bag na may lamang baril at kargado ng bala.

Ayon kay Senior Police Officer 1 Ryan Bulawan, "Yung bahay nila ginagawa pong drug den. Yung nakatira po roon ay marami na rin pong nagrereklamo."

Itinanggi ni Pontillas na kaniya ang mga kontrabando pero umamin siya na gumagamit ng droga.

Pinabulaanan din ng dalawa pang suspek ang mga alegasyon ng pulis. —Maia Tria/LBG, GMA News