Sinamsam ang ilang gamit ng isang guro ng elementary school sa Bayambang, Pangasinan dahil sa pagbebenta umano nito ng malalaswang larawan ng mga menor de edad.
Ayon sa ulat ni Victoria Tulad nitong Huwebes sa Unang Balita, inireklamo ang guro dahil siya umano'y nagbebenta ng mga malalaswang larawan at video ng mga bata sa halagang P50 o $1.
"Parang foreigners yung mga bata. Most probably, 'di naman siya nag-create nun, but since he sells or offers to sell and he possess these videos based on the report, he may be held liable," paliwanag ni Atty. Pauline Pascual ng Department of Justice (DOJ) - Anti-Cybercrime Unit.
Ipinaalam ng National Center for Missing and Exploited Children mula sa United States ang gawain umano ng guro sa Pilipinas, kung kaya't nailabas ang search warrant laban sa kaniya.
Kinuha ng DOJ-ACU at National Bureau of Investigation-Dagupan (NBI-Dagupan) ang laptop at cellphone ng guro na maaring naglalaman umano ng mga malalaswang larawan at video mula sa kaniyang bahay.
"Ipapa-forensic natin 'yan. Titingnan natin, pabubuksan natin, tapos mare-retrieve naman natin lahat ng ini-store nating data doon," ayon kay NBI-Dagupan Head Agent Rizaldy Jaymalin.
"Ang fear natin nito, baka mamaya, magamit niya yun sa kaniyang mga estudyante sa kanyang masamang gawain," dagdag nito.
Hindi na nagbigay ng pahayag ang guro. —Rie Takumi/LBG, GMA News
