Inireklamo ang isang guro sa Camarines Sur dahil umano sa pamamalo sa kaniyang kindergarten pupil.
Sa ulat ng Balitanghali ni Vonne Aquino, sinabing may mga latay ang 5-anyos batang lalaki.
Nadiskubre umano noong Martes ng ina ang mga latay ng bata, at sinabing ang kaniyang teacher umano ang may kagagawan.
"Sabi ko, maligo ka na. Pagbaba ko po ng shorts niya, nakita ko po yung latay sa puwit niya. Mapulang-mapula po," pahayag ng ina ng biktima.
Nang makaharap ng ina ng bata, inamin ng guro na pinalo niya ang bata sa loob ng paaralan sa Lupi, Camarines Sur noong June 29.
Sa paunang imbestigasyon ng Department of Education sa insidente, lumalabas na gumamit ang guro ng maliit na stick bilang pamalo.
Pero, pahayag ng DepEd, hini magkakalatay ang bata sa ganoong kaliit na pamalo.
Hinala ng DepEd, baka raw may iba pang pumalo sa bata.
"Para pong exaggerated. Inamin naman po ng teacher na pinalo niya po ng isang beses. Kasi yong ginamit ng teacher, sabi niya, ay maliit na stick," pahayag ng taga-DepEd.
Ngunit desidido ang ama ng biktima na magsampa ng reklamo.
"Sabi ko, huwag nang uulitin sa mga bata. Pero hindi naman dahilan 'yun na hindi na kami magsampa ng demanda dahil doon sa pisikal na ginawa nung teacher," pahayag ng magulang.
Nag-vrial ang mga litrato ng latay ng bata at agad na binatikos ng netizens ang guro, na ngayon ay naka-sick leave.
Sinisikap pa ng GMA News na makapanayam ang guro. —LBG, GMA News
