Sa halip na sa boxing ring,  sa kulungan ang bagsak ng isang professional boxer matapos siyang mahuli sa sinalakay na drug den sa Cavite.

Sa ulat ni John Consulta sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Miyerkoles, sinabilang kabilang sa 16 katao na naaresto ng mga awtoridad sa barangay Molino 3, Bacoor, Cavite, si Julbirth Tubiana.

Sa surveillance video, makikita na lantaran ang bentahan ng ilegal na droga na nagaganap sa gilid lang ng kalsada.

Mga babae umano ang inuutusan na bumili ng droga para hindi umano mahalata ang transaksyon.

Sa labing-anim na nadakip, kasama na dito ang mga nagtutulak at gumagamit ng droga, kabilang si Tubiana na may nakatakda pa raw sana na laban sa ibang bansa.

"Napansin natin na yung katawan niya, hindi ordinaryong addict. Dumating ang manager niya at sinabi niya na alaga niya ito [boxer] may laban sana sa ibang bansa," ayon kay Police Superintendent Vic Cabatingan, hepe ng Bacoor police.

Hindi naman itinanggi ng boksingero ang paggamit niya ng droga at nangakong magbabago na.

"Sa akin lang po pakisama kasi hindi po ako taga-roon," pahayag niya.

Nakuha sa sinalakay na drug den ang ilang sachet na may laman na hinihinalang shabu at mga drug paraphernalia.

Sinampahan na ng reklamong paglabag sa dangerous drugs act ang naarestong boksingero at kaniyang mga kasama. --FRJ, GMA News