Isang magsasaka ang binugbog at pinalakol sa likod ang mga nag-iinuman na hinihinalang naingayan sa sinasakyang motorsiklo ng biktima sa Sta. Maria, Ilocos Sur.

Sa ulat ni Russel Simorio sa GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Miyerkoles, makikita pa ang nakabaon na palakol sa likod ng biktimang si Celito Esktritor, 27-anyos, bago siya dinala sa ospital.

Sa imbestigasyon ng Sta. Maria Police Station, lumitaw na pauwi na ang biktima at kaniyang kaibigan sakay ng motorsiklo nang napadaan sila sa isang grupo ng nag-iinuman.

Sinigawan daw ng mga suspek ang mga biktima at hinabol.

"Sa statement ng victim and 'yung kasama niya na nung inabutan na nila, agad-agad binugbog na sila ng grupo nitong suspek," ayon kay Senior Inspector Joel Castillo, hepe ng Sta. Maria police.

Dalawa ang naaresto, kabilang si Joshua Lagmay na siyang pumalakol umano sa biktima.

Ngunit paliwanag niya, hindi sila ang nagsimula ng gulo kung hindi ang biktima.

"Mayroon kasing pinsang bakla ['yung kasama ko]. Sabi ng kasama ko, 'Sampalin mo nga. Ka-guwapo pero babakla-bakla.' Ngayon, may nagsasabi [yung mga biktima] na sila ang pinaparinggan at balak naming sampalin," depensa ni Lagmay.

Hinabol nila ang biktima at ang kasama niya para sabihing hindi sila ang inaasar pero pinagpapalo umano sila ng kahoy ng biktima kaya sila gumanti.

Dagdag pa ni Lagmay, "Sinabi nilang binugbog namin pero hindi ganun ang nangyari. Pinalo-palo pa kami [ng kahoy]."

Ayon naman sa biktima na nagpapagaling sa tinamong sugat, nagalit ang mga suspek dahil sa ingay ng motorsiklo na sinasakyan nila.

"Parang ano yun, maingay daw yung motor at tsaka dala na rin siguro ng pagka-inom nila. Lasing na sila," sabi ni Castillo.

Nasampahan na rin ng kaukulang kaso ang mga suspek. -- Maia Tria/FRJ, GMA News