Isang barangay kagawad sa Cebu City ang nakaligtas sa hinihinalang bigong ambush matapos na mapatay ang umano'y suspek na napag-alaman na aktibong pulis. Pero ang pulisya, iba ang istorya.

Sa ulat ni James Agustin sa GMA News "Saksi" nitong Martes, sinabing napansin umano ng drayber ni kagawad Jessilou Cadungog na may riding in tandem na bumubuntot sa minamaneho niyang sasakyan ng opisyal nitong Lunes ng umaga sa Barangay Tejero.

Pero nang bumunot umano ng baril ang angkas ng motorsiklo, nagpaputok na rin umano ang drayber ni Cadungog at tinamaan at napatay ang suspek na nakilalang si Police Officer 3 Eugene Calumba.

Nasugatan at nadakip naman ang rider ng motorsiklo na si Michael Banua, na miyembro naman ng barangay peacekeeping action team.

Ang sasakyan ng kagawad, may mga tama rin ng bala at sumubsob sa ginagawang kalsada.

"Dinepensahan ko lang yung sarili ko. Kaya yun yung nangyari sa sasakyan," ayon sa drayber ng kagawad.

Nakaligtas sa insidente si Cadungog at sinabing wala siya sa sasakyan at nasa barangay hall nang mangyari ang umano'y bigong ambush.

"Hindi nila alam na hindi na ako ang nagda-drive," ayon kay Cadungog.

Nang malaman umano niya ang nangyari, kaagad siyang pumunta kay Cebu City Mayor Tomas Osmeña para matiyak ang kaniyang kaligtasan.

Gayunman, iginiit ng awtoridad na si Cadungog ang bumaril kay Calumba, na nataon na nasa lugar dahil nagsasagawa umano ng surveillance.

"Actually, si Cadungog hindi binaril, siya yung namaril. Una niyang binaril si PO3 Calumba. Tinanong namin yung driver kung alam ba niya na nakaganti si Calumba o hindi, sabi niya hindi niya alam," sabi naman ni Chief Supirentendent Debold Sinas, Regional Director PRO-7.

Paliwanag ng pulisya, nagsasagawa ng surveillance sina Calumba at Banua sa Barangay Tejero dahil umano sa dami ng mga kaso ng droga sa lugar.

Sa harap ng magkaibang pahayag ng pulisya at ni Cadungog, handang umanong magsagawa ng kanilang imbestigasyon ang National Bureau of Investigation. -- FRJ, GMA News