Patay ang tatlong holdaper na nanloob ng isang convenient store nang makipaghabulan at makipagbarilan sa mga pulis sa San Rafael, Bulacan.

Bago ang habulan, nag-request pa umano ng pineapple juice at mga alak sa niloobang tindahan ang mga suspek.

Sa ulat ni James Agustin sa GMA News Unang Balita nitong Miyerkoles, sinabing sumalakay ang mga suspek at agad na tinutukan ng baril ang security guard ng tindahan, kaya hindi na ito nakabuwelo.

"Nakatutok sa akin 'yung baril, tumatakbo. Sabi sa akin, 'Holdap 'to. 'Wag kang kikilos, hindi kita babarilin,'" ayon sa security guard.

Matapos nito, pinaupo ng suspek ang guwardiya habang pumasok naman sa convenience store ang mga kasamahan nito.

Sunod na pinunterya ng mga suspek ang kahera at agad na tinutukan ng baril, saka nila pinabuksan ang kaha at pinalagay sa plastic ang pera at ipinasilid sa bag na dala ng mga tulisan.

Hindi pa nakuntento, nag-request pa ng pineapple juice at nagpakuha pa ng mga mamahaling alak ang mga suspek.

"Nagpakuha pa po siya sa amin ng inumin. Sabi niya, ikuha nyo ako ng inumin. Tinanong pa nga po namin kung alak po ba or softdrinks kasi ang nais namin ay para medyo tumagal po baka po sakaling may makapansin po sa amin na may nangyayari po doon sa store," pahayag ng kahera.

Nang makuha ang aabot sa P25,000 na pera, lumabas na ang dalawa, habang hinihintay sila ng kasamahan nila sa kotseng ginamit nila sa pagtakas.

Pero nakuha pala ng security guard ang plate number ng kanilang sasakyan, at ipinagbigay-alam ito sa San Rafael Police.

Nagresulta ito sa habulan at nauwi sa barilan, na ikinamatay ng mga suspek.

"Sa patuloy na pag-imbestiga natin later on, ma-identify natin kung sino-sino itong mga ito," pahayag ni Senior Superintendent Chito Bersaluna, Acting Provincial Director, Bulacan Provincial Police Office. —Jamil Santos/LBG, GMA News