Sapul ng CCTV sa Naga, Camarines Sur ang pagnanakaw ng dalawang lalaking nakamotorsiklo ng isang sakong bigas. 

Sa video ng Unang Balita nitong Miyerkoles, makikita ang pagtambay ng dalawa sa tabi ng isang tindahan at ang pagbuhat ng isa sa kanila ng sako ng bigas hanggang sa bukana ng tindahan.

Umalis ang dalawa sakay ang motorsiklo at matapos ang 10 minuto, bumalik ang dalawang lalaki. 

Nililibang ng isa sa kanila ang may-ari ng tindahan, habang binubuhat na ng isa pa ang sako ng bigas na nakalagay sa bukana ng tindahan.

Agad na sumibat ang dalawa dala-dala ang isang sako ng bigas.

Nakikipag-ugnayan na sa pulis ang may-ari ng tindahan para sa pagkakadakip ng mga suspek, na malapitang nakuhanan ng CCTV ang mga mukha. —Rie Takumi/LBG, GMA News