Nahaharap sa kasong child abuse ang isang guro sa pampublikong paaralan sa Talisay City matapos niyang hipuan umano ang babae niyang estudyante sa maselang bahagi ng katawan nito.
Sa ulat ni Nico Sereno sa GMA News "Balita Pilipinas" nitong Miyerkoles, sinabing hinipuan umano ng guro ang estudyante sa labas ng classroom, kung saan may nakasaksi sa pangyayari.
"Pagdating namin sa school, hindi namin agad inaresto kasi nag-base kami sa report na 'yon 'yung nangyari. So what I did, pinuntahan namin, in-interview ko 'yung bata at sabi niya na totoo 'yung nangyari. So, aarestuhin na sana namin pero nawala siya," sabi ni PO2 Rosalyn Gilbert, WCPD, Talisay City Police Station.
Tumangging magbigay ng pahayag ang mga magulang ng bata sa harap ng camera, ngunit sinabi nilang desidido sila na ituloy ang kaso laban sa suspek.
Ayon naman kay Talisay City Schools Division Superintendent Dr. Leah Noveras sa isang text message na ipinauubaya na nila sa pulisya at DSWD ang pagsasampa ng kaso.
Hindi na pumapasok pa sa klase ang guro mula Hulyo 25, kaya iisyuhan siya ng return to work order. Kung hindi pa rin siya magpapakita, irerekomenda na ipatanggal siya sa trabaho. —Jamil Santos/JST, GMA News
