Patay ang isang 7-anyos na batang lalaki matapos siyang magulungan ng six-wheeler truck na tinangka niyang akyatin sa Cebu City. Ang driver ng truck, inaresto at nahaharap sa kaso.
Sa ulat ni Nico Sereno sa GMA News "Balita Pilipinas," kinilala ang biktima na si Julius Ybañez, na kaagad nasawi sa insidente.
Batay sa imbestigasyon ng pulisya.dakong 9 a.m. nitong Lunes nangyari ang trahediya habang papunta sa Pier 4 sa Cebu City ang six-wheeler truck na minamaneho ni Beto Hubertson Baste.
Sinasabing tinangka umano ng biktima na umakyat sa trak habang nakatigil ang sasakyan nang mag-red ang traffic light.
Pero nang mag-green na ang ilaw, umabante na ang trak at nangyari na ang trahedya.
"Noong nag-go na, umabante ako. Doon na 'yun. Parang may nangyari sa gilid ng sasakyan. Nakita ko din sa side mirror. Sa likod, sa right side," sabi ni Baste.
Hawak na ng Waterfront Police Station ang driver, at inihahanda ang reckless imprudence resulting to homicide na isasampa laban sa kaniya.
"Para siyang [biktima] na-hitch, pero not necessarily na gusto niyang sumakay. He just wants to play around lang siguro. Swing-swing. Then it so happened na 'yung driver, nakita natin na hindi niya namatyagan 'yung bata," sabi ni P/Sr. Insp. Joemar Pomarejos, hepe, Waterfront Police Station.
Nakikipag-ugnayan ang pulisya sa mga opisyal ng barangay para maiwasan ang aksidente.
"So 'yung coordination natin sa mga barangay officials, na ma-inform natin sa family, hindi na basta-bastang tatawid sa lugar na 'yun para maiwasan natin 'yung mga ganiyang accident," anang opisyal. --Jamil Santos/FRJ, GMA News
