Patay sa pananaksak ang isang worker sa General Mamerto Natividad, Nueva Ecija sa gitna ng yabangan habang nag-iinuman kung sino ang magaling dumeskarte sa trabaho sa construction site na kanilang pinagtatrabahuan.
Sa ulat ng Unang Balita, kinilala ang biktima na si Rodolfo Suyat, isang welder, matapos saksakin ng suspek na kinilalang si Joel Quicho.
Dead on the spot si Suyat na nagtamo ng saksak sa kaniyang tagiliran.
Batay sa paunang imbestigasyon ng mga pulis, nagtalo ang dalawa habang nag-iinuman kung sino ang masmagaling sa kanila sa trabaho.
Sa gitna ng mainit na pagtatalo, kumuha umano ng kutsilyo ang suspek, tapos nagpangbuno ang dalawa hanggang sa masasak ng suspek ang biktima.
Tumakas ang suspek pero naaresto rin ng mga pulis.
Hindi na itinanggi ng suspek ang krimen.
"Nadala lang po kami sa kalasingan. Humihingi po ako ng tawad sa pamilya ng biktima," pahayag ng suspek.
Nahaharap sa reklamong homicide si Quicho. —LBG, GMA News
