Isa na namang ahente ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang patay sa pananambang sa lalawigan ng Cebu.

Sa ulat ng GMA News TV "QRT" nitong Miyerkoles, kinilala ang biktima na si Von Rian Tecson, na pinagbabaril sa loob ng kaniyang sasakyan sa Brgy. Perrelos, Carcar City, Cebu.

Nakaligtas naman ang kasama ni Tecson na nagmamaneho ng sasakyan.

Ayon sa mga saksi, sakay ng motorsiklo ang bumaril kay Tecson.

Nito lang nakaraang July 27, pinagbabaril din at napatay ang PDEA agent na si Earl Rallos, habang sakay din ng kaniyang sasakyan sa barangay Capitol Site sa Cebu City.-- FRJ, GMA News