Nagdeklara na ang lokal na pamahalaan ng Bulacan na may pasok nang muli ang mga estudyante kahit lubog pa rin sa baha ang ilang paaralan sa Malolos. Kaya ang ilan sa mga magulang, kinakarga ang kanilang anak papasok para hindi mabasa o madulas dahil sa lumot.
Sa ulat ni raffy Tima sa GMA News "Balitanghali" nitong Miyerkoles, sinabing hinahatid ng ilang magulang ang kanilang mga anak hanggang sa silid-aralan, tulad ng sa Caingin Elementary School na lubog pa rin sa tubig ang ilang kalsada sa paligid.
Umabot na ang baha maski sa loob ng bakuran ng paaralan, kaya sinusuong na rin ito ng ilang estudyante.
"Ayaw ko po um-absent eh," sabi ng mag-aaral na si Ashley Tan.
Ayon sa mga magulang, bukod sa naiiwasan nila ang kanilang mga anak na mabasa, inilalayo rin nila ang mga bata sa disgrasya.
"Nu'ng nakaraan nga po eh nadulas 'yung anak ko, nabasa nang konti 'yung libro," ani Jaypee Catindig, ama ng isang Grade 1 student.
Isang bata rin ang nakitang umiiyak dahil nadulas siya papasok ng gate.
Bukod sa tagahatid, ilang mga magulang na rin ang nag-alis pa ng lumot na dulot ng baha.
" Eh kasi po 'yung mga bata nakakaawa naman 'pag pasok madudulas sila. Hindi ko po maintindihan kung dapat bang may pasok pa agad kasi baha pa nga po eh," ayon kay Tess de Guzman, Vice President, PTA.
Ngunit ayon sa Grade 6 teacher na si Juliet de Guzman, hindi naman malalim ang baha sa eskuwelahan at tumataas lang ang tubig kapag high-tide.
"Mababaw 'to walang tubig 'yung daan ngayon lang po dahil nagsimula 'yung high tide. Nasa [desisyon] po ng magulang eh. Sila po 'yung binibigyan magdesisyon kung papapasukin o hindi ang bata," ayon kay de Guzman.
Nalubog din sa baha ang mga librong ginagamit ng mga estudyante kaya pinahahanginan ito para matuyo.
Ire-report anila ito sa Department of Education para mapalitan.
"Kung maaari po sana, kung meron kaming mahihingan ng tulong mataasan sana itong eskuwelahan ng Caingin," panawagan ng lola ng isang mag-aaral.
Ilan pang lugar sa Bulacan ang lubog sa baha tulad ng Calumpit at Hagonoy.
Nanawagan na si Bulacan Governor Willy Sy-Alvarado sa pamunuan ng Angat Dam na ihinto muna ang operasyon ng dalawang turbine na ginagamit sa paglikha ng kuryente.
Hindi aniya humuhupa ang baha sa mga naturang bayan dahil sa pagpapakawala ng tubig sa mga turbine.
Sinusubukan ng GMA News na kunan ng pahayag ang pamunuan ng Angat Dam.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News
