Isang batang estudyante na babae ang nagtama ng mga galos at pinsala sa katawan matapos siyang mabangga at pumailalim sa nag-overtake na truck sa Santa Ana, Pampanga. Sa kabila ng nangyari, mapalad na nakaligtas ang biktima.

Sa ulat ng GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Huwebes, makikita sa video ni YouScooper Jack Sang, na tumatawid ang biktima at isa pang estudyante sa barangay Santiago.

Tumigil ang isang jeep nang makita niya ang dalawang tumatawid pero isang truck ang biglang sumulpot na nakabangga sa batang biktima at pumailalim pa sa malaking sasakyan.

Isang motorsiklo na may mga sakay ang nahagip ng truck.

Kaagad na tinulungan ang mga tao sa lugar ang mga biktima at isinakay nila sa tricycle ang bata para madala sa ospital.

Ayon sa YouScooper, ligtas na ang biktima at sumuko na sa pulisya ang truck driver.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News