Patay ang isang negosyante at isang propesor matapos silang pagbabarilin habang pasakay sa sasakyan pagkagaling sa isang restaurant sa Dagupan City, Pangasinan. Ang isa sa mga biktima, minsan na ring tinambangan noon pero nakaligtas.
Sa ulat ni CJ Torida sa GMA News "Balita Pilipinas" nitong Lunes, kinilala ang mga nasawi na sina Johnny Baniqued, 47-anyos, isang negosyante, at propesor sa isang unibersidad sa Dagupan na si Oscar Fernandez.
Sugatan naman ang isa pa nilang kasama na nagpapagaling na sa ospital.
Sa kuha ng CCTV, makikita ang tatlong biktima na pasakay na sa sasakyan mula sa isang restaurant sa Barangay Tapuac nang paputukan sila ng hindi pa nakikilalang salarin na armado ng kalibre .45 na baril.
Blangko pa ang pulisya sa posibleng motibo at kung sino ang responsable sa krimen. Isang special investigation task group ang binuo para tutukan ang kaso.
Napag-alaman naman na sa pulisya na nakaligtas na sa pamamaril si Baniqued noong 2015, at aalamin ngayon ng mga awtoridad kung may koneksyon sa nangyaring krimen.
Sa panayam sa asawa ni Baniqued, sinabi nito na wala siyang alam na kaaway ng mister na inilarawan niyang napakabait na kabiyak, masipag at mabait na kaibigan.
Wala pang pahayag ang pamilya ni Fernandez, na iniuwi ang bangkay sa bayan ng Labrador.-- FRJ, GMA News
