Nahaharap sa kasong child abuse ang isang yaya sa Meycauayan, Bulacan matapos mahuli-cam ang ginawa niyang pananakit sa alaga niyang sanggol na pitong buwang-gulang lang.

Sa ulat ni John Consulta nitong Biyernes sa "24 Oras," kinilala ang kasambahay na si Cielo Cervantes, na humingi ng tawad sa kaniyang ginawa.

Naglagay umano ng CCTV ang mga amo niya sa loob ng bahay dahil naghihinala sila na may nangyayari sa kanilang anak kapag umaalis sila ng bahay.

Sa kuha ng CCTV, nakita na uminom muna ng alak si Cervantes at nang malasing ay kinuha ang sanggol at kaniyang hinampas, sinabunutan at kinurot.

Depensa ng kasambahay, hindi niya sinasadyang saktan ang kaniyang alaga at nangyari lang daw kapag nalasing siya sa loob ng bahay.

Dahil sa nangyari, nagpaalala si Police Superintendent Santos Mera, hepe ng Meycauayan police, sa mga magulang na kilalaning mabuti ang kinukuha nilang mag-aalaga sa kanilang anak.

"Ang payo namin sa mga magulang, lalo na kapag kukuha kayo ng katulong o yaya sa inyong mga anak, kilatising mabuti. Higit sa lahat, subaybayan ninyo 'yung bata," anang opisyal .-- Margaret Claire Layug/FRJ, GMA News