Wala pa ring pagkakakilanlan sa putol-putol na katawan ng tao na nakita sa tambakan ng basura sa Davao City nitong Linggo. Hinala ng nangangalakal ng basura na nakakita sa mga bahagi ng katawan, posibleng babae ang biktima.

Sa ulat ni Dano Tingcungco sa GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Lunes, sinabi ni Gerry Musa, na inakala niyang pagkain ng baboy ang laman ng nakita niyang plastic sa bandang gitna ng Davao sanitary landfill.

Dahil matagal na rin siyang nangangalakal ng basura, madalas na rin daw siyang nakakakita ng mga itinapong fetus sa lugar. Pero hindi raw niya inakala na putol na bahagi ng katawan ng tao ang kaniyang makikita na labis niyang ikinagulat.

"Nakita ko yung kamay niya, tapos daming mga sugat," sabi ni Musa.

Bukod sa putol na kamay, nakita rin niya ang putol na braso at binti. Mayroon din itong kasama na putol na ulo na mahaba umano ang buhok.

Marami rin umanong hiwa sa mukha ng biktima na hindi na makilala, nakalabas ang dila at wala ang isang mata.

Nawawala naman ang katawan ng biktima.

Dinala na sa Angel Funeral Homes ang mga putol na bahagi ng katawan pero wala pa umanong umaangkin o kumikilala rito.

Isasailalim ng Davao police sa autopsy at DNA examination ang labi para matukoy ang pagkakakilanlan ng biktima. --FRJ, GMA News