Onsehan sa droga ang isa sa mga tinitingnang anggulo ng mga awtoridad sa pagkamatay ng limang lalaki na umano'y tinambangan sa Cebu City.  Itinanggi rin ng pulisya na mga pulis ang may kagagawan ng naturang krimen.

Sa ulat ni James Agustin sa GMA News TV "Quick Response Team" nitong Biyernes, inihayag ni Superintendent Reyman Tolentin, tagapagsalita ng Police Regional Office (PRO) 7, na sangkot umano sa iligal na droga ang limang napatay.

Nakilala na rin daw ang mga nasawi at nakuha na rin ng kani-kanilang mga kaanak ang kanilang mga labi.

Ngunit hindi pa rin malinaw kung sino ang nasa likod ng pamamaril na nangyari sa Barangay Malubog nitong Huwebes ng umaga.

Mariin din itinanggi ng Mabolo police ang naunang salaysay ng dalawang babae na nakaligtas umano sa sinasabing ambush na mga pulis daw ang nasa likod ng pamamaril.

Una rito, nabanggit ng isang babae na may kinalaman umano ang SWAT sa pamamaril.

Samantala, ayon sa PRO 7, nanlaban naman daw sa mga operatiba ang 10 drug suspects na napatay sa isinagawang mga anti-illegal drug operation sa iba pang bahagi ng Cebu. -- Margaret Claire Layug/FRJ, GMA News