Dalawang driver ang nasawi nang salpukan ng mga bus na kanilang minamaneho sa Tagum City, Davao del Norte. Ang dalawang biktima, nagtatrabaho sa parehong kompanya ng bus.


 

Sa ulat ni Jandi Esteban ng Regional TV-One Mindanao sa "Balita Pilipinas" nitong Martes,  kinilala ang dalawang nasawi na sina Crisphyl Selanos at Rasol Mama, kapwa driver ng Metro Shuttle.

Nasugatan naman ang 56 na pasahero mula sa dalawang bus.

Batay sa imbestigasyon ng pulisya, iniwasan umano ng isang bus driver ang isang motorsiklo na biglang tumawid kaya nasalpok ang kasalubong na bus sa National Highway sa Barangay Canocotan nitong Linggo ng hapon.

Sa lakas ng banggaan, nawasak ang harapang bahagi ng dalawang bus.

Hindi na umabot nang buhay sa ospital si Selanos, habang binawian ng buhay si Mama habang nilalapatan ng lunas.

Batay umano sa kuwento ng ilang pasahero sa mga imbestigador, mabilis umano ang patakbo ni Selanos sa minamaneho niyang bus.

Ngunit batay sa pahayag ng operations manager ng bus company na si Larido Albar, "Actually ang speed namin doon sa GPS is yung malaking bus 80, yung sa coaster is only 50."

Nangako naman ang pamunuan ng Metro Shuttle na sasagutin nila ang lahat ng gagastusin ng mga biktima.

Sinuspinde na ng Land Transportation and Regulatory Board ang prangkisa ng nakabanggang bus at inatasan ang kompanya na isumite ang record ng GPS ng dalawang bus at ang card ng dash camera para sa isasagawang imbestigasyon.-- FRJ, GMA News