Sa harap ng maraming tao, pinatay ang isang kapitan ng barangay matapos na barilin sa kalagitnaan ng isang dance contest sa isang covered court sa Silang, Cavite. Ang salarin, tumakas sakay ng naghihintay na motorsiklo.
Sa ulat ni Chino Gaston sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkoles, makikita na biglang nagkagulo ng mga residente sa covered court nang barilin si Naldi Secretario, kapitan ng Barangay Yakal.
Sa kuha ng CCTV malapit sa covered court, makikita ang isang nakamotorsiklong lalaki na tila may hinihintay.
Maya-maya pa, isang lalaki ang tumatakbo ang dumating na hinihinalang bumaril sa biktima at umangkas sa motorsiklo saka sila humarurot.
Nakasunod naman sa kanila ang mga umano'y security escort ng napaslang na kapitan pero hindi na nila inabutan ang mga suspek.
Hindi na umabot nang buhay sa ospital ang kapitan.
Apat na iba pa ang nasugatan sa insidente pero ligtas na matapos na tamaan ng ligaw na bala.
Sinabi ng pulisya na posibleng pagganti ang motibo sa pamamaril dahil aktibo si Secretario sa kampanya laban sa droga sa kanilang lugar.
Dati na raw nakatatanggap ng banta sa buhay ang biktima kaya mayroon siyang mga bodyguard.
Bumuo na ng special investigation task group ang pulisya para mahuli ang mga salarin.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News
